Gabi Palagi Umuwi

Gabi Palagi Umuwi

Kalat na ang dilim sa kahabaan ng Quezon Avenue. Buhay na naman ang mga nagsasayawang ilaw sa harap ng mga magkakatabing bahay-aliwan.

Gay bar, disco pub, comedy bar at mga naglalakihang sikat na klab at KTV bar na paboritong hang-out ng mga “panggabing ibon.”

Sa lugar na ito, katawan at ganda ang pangunahing puhunan upang kumita at makilala.

Sa putikang ito napadpad at nangarap ang isa pang Diyosa ng alindog…SI KATRINA!

“Huwag kang kakabahan. Sa umpisa lang kakabog ang iyong dibdib.Masasanay ka rin at ang mga susunod mong numero ay hindi na kasing hirap ng unang gabi mo sa stage. Kaya mo ‘yan, Katrina, ” paalala sa kanya ng kaibigan niyang si Krizel habang naghahanda na ang 17 anyos na si Katrina sa dressing room.

Unang gabi iyon ng kanyang pagsasayaw sa “GAGAMBA.” Ang kalba na pag-aari ni Madam Rita.

Hindi na bago sa kanya ang lugar na iyon at katunayan ay 11 anyos pa lamang siya ay laman na ang dalagita ng mga iba’t ibang malalaking klab sa Quezon Ave. dahil doon siya nagtitinda ng sigarilyo at sampaguita noong araw.

Kilala na rin niya ang halos lahat ng mga performers, modelo at dancers sa iba’t ibang klab at comedy bar doon dahil karamihan sa kanila ay pawang naging mga kostumer niya.

Habang naglalako siya noon ng mga bulalak at sigarilyo sa harapan ng mga klab ay madalas niyang tinititigan ang mga larawan ng mga naggagandahang modelo at dancers na nakapaskil sa labas.

“Paglaki ko…gusto kong maging katulad nila. Sikat na, marami pang pera! ” wika niya noon habang kasama niya ang kaibigang si Sheila.

Parehong laking iskwater ang dalawa.

Parehong iniwan ng ama ang kanilang ina kaya’t halos lahat sila ay elementarya lang ang natapos. Lima silang magkakapatid at siya ang ikatlo.

Paglalabada lamang ang pinagkakakitaan ng kanyang ina.

Huminto na siya sa pag-aaral noong makatapos siya ng grade six upang pagbigyan na makapag-aral ang iba pa niyang mga kapatid na mas bata sa kanya.

At sa mga tulad nilang halos nakasayad na ang kaluluwa sa kahirapan, may iba pa kayang mas disenteng pangarap maliban sa pagiging modelo o dancer sa klab?

“Ano ka ba, Katrina…hindi ka ba natatakot sa trabahong ‘yan? Di ba karamihan sa kanila ay nagpapabayad sa mga lalaking gustong umangkin sa kanilang katawan. Paano mo masisikmura na ibilad diyan ang iyong katawan at pagkatapos ay ipaaangkin mo sa mga taong hindi mo man lang nakikilala?” tanong ni Sheila sa kaibigan na halatang hindi kumporme sa plano ni Katrina.

“Sa kagaya natin na mahirap ay walang ibang pinakamahalaga kundi ang pera. Pera ang kailangan ng kapatid kong si Jimbo para siya maoperahan. Kailangan din ni inay ng pera dahil pinalalayas na tayo sa lupang kinatitirikan ng bahay natin. Kailangan din ng mga kapatid ko ng pera upang sila ay makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral. Hindi bale nang hindi ako makapag-aral, basta’t makatapos lang sila. Sa tingin ko ay ito ang short cut sa pangarap ko na magkaroon ng malaking kita. Dito ay hindi na kailangan ang anumang diploma at experience sa trabaho. Basta’t maganda ka lang, seksi at marunong gumiling ay okey na.” wika ni Katrina habang nakatingala pa rin sa magkakadikit na larawang iyon sa harap ng klab.

Comments

Scroll To Top